Sarah G nagpasalamat sa impersonator, LGBT community sa pagsikat ng 'Tala'

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 02:44 PM | Updated as of Jan 05 2020 06:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Sarah Geronimo sa pamamayagpag ng awitin niyang "Tala," na inilabas noon pang 2016 pero ngayon lamang sumikat nang todo. 

Sa panayam kay Sarah nitong Linggo matapos ang "Grand Tala Day" sa "ASAP Natin 'To," ibinahagi niyang pangarap lang niya noong maging dance craze ang "Tala."

"Ang galing eh. I would say hindi siya naging expectation. I was hoping na maging dance craze ito when I recorded [it]... Sabi ko, wow, power of manifestation, nagkatotoo kasi," aniya.

Nitong Linggo ay daan-daan ang nakiindak sa iconic dance moves ng "Tala," hindi lang sa "ASAP" stage kung hindi pati sa Davao, Cebu, Iloilo, Bicol, at Butuan. 

Bukod sa mga sumali sa Grand Tala Day, binigyang-pugay din ni Geronimo ang mga miyembro ng LGBT community, kabilang ang kaniyang impersonator, na yumakap at nagpasikat sa awitin. 

"Si Bench [Hipolito] 'yung nag-i-impersonate sa akin... Tulong din ng LGBTQ community, gumagawa sila ng dance covers," ani Sarah.

— Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.