PatrolPH

Jerome Ponce, naniniwalang may laban ang bagong pelikula

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 11:58 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA -- Isa sa official entries ng 2018 Metro Manila Film Festival ang horror na pelikulang "Otlum" kung saan isa sa mga lead actor si Jerome Ponce.

Kuwento ni Jerome, malayo sa tunay niyang personalidad ang papel niya sa pelikula.

"Role ko dito is leader ng isang barkada na gusto laging bumabangka. Gusto [niya] parang siya ang may kapangyarihan para sa lahat, control. Bad boy," aniya.

Kasama ni Jerome ang basketball heartthrob at artista na rin ngayon na si Ricci Rivero.

Aminado si Jerome na nagkaroon sila ng ilangan sa mga unang araw ng trabaho.

"Una parang may wall kasi ano ba, ewan, siguro dahil hindi kami magkakilala. Pero nawala 'yung wall nang pinakilala na kami ni direk, kinukulit-kulit na kami pareho. Okay naman kapag magkasama kami," aniya.

At sa expectations sa "Otlum" sa magiging performance nito sa box office, ito ang naging sagot ng aktor.

"Laban, laban tayo. Siyempre lalaban... Ang laban namin siyempre ang mga kapwa kong artista eh alam na talagang may mga tao na nage-expect sa kanila sa sinehan sa Pasko. At tipikal na mga tao na gusto matakot. Lahat naman, dapat nating tangkilikin. Pelikulang Pilipino 'yan eh," ani Jerome.

Showing pa rin ngayon ang "Otlum" sa mga sinehan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.