Ulat na hiwalayang James Reid at Nadine Lustre binulabog ang social media

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 08:09 PM | Updated as of Jan 02 2020 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hiwalay na nga ba sina James Reid at Nadine Lustre? 

Iyan ang pasabog na balita ng isang entertainment website sa pagbubukas ng 2020, dahilan para mabulabog ang fans ng tanyag na showbiz couple.

Sa artikulo ng pep.ph, sinabi nilang mayroon silang "source" na umano'y nagkasaksi mismo sa pag-aalsa-balutan ni Lustre mula sa kanilang bahay ni Reid.

"Irreconcilable differences" daw ang dahilan ng umano'y pagkawasak ng halos 4 na taong relasyon ng dalawa.

Sinabi rin sa ulat na "makahulugan" daw ang huling mga post ni Lustre na may mensahe na tila nagpapaalam sa isang tao.

Sa ngayon, wala pang pormal na kumpirmasyon mula sa couple pero mismong JaDine fans ang dumepensa at nagsabing hindi totoo ang ulat.

Marami umanong pagkakataon na nakita ang dalawa na magkasama. 

Halloween ay magkasama pa sila sa isang costume party bilang Romeo at Juliet. 

Noon lamang bisperas ng Bagong Taon, sinabi ni Reid na kasama niya si Lustre na sasalubungin ang 2020.

Dahil sa balita, trending worldwide ang JaDine habang hinihintay ang panig ng dalawa.


—Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.