'Fresh start': Bakit nawalan ng laman ang Instagram ni Liza Soberano

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 03:02 PM | Updated as of Jan 03 2019 11:02 AM

Nilinaw ni Liza Soberano na hindi hacking o ang walang pahintulot na paggamit ng kaniyang account, ang dahilan kung bakit burado na ang lahat ng laman ng kaniyang Instagram account.

Nag-post si Soberano ng selfie nitong Miyerkoles sa kaniyang Instagram stories, na nilagyan niya ng text na nagsasabing hindi siya na-hack.

Tila si Soberano mismo ang nagbura ng mga retrato at video sa kaniyang Instagram dahil sa pagnanais daw niyang magkaroon ng panibagong simula.

"Don't worry guys, I'm not hacked. Just wanted a fresh start," isinulat ni Soberano.

Naghinala ang ilang tagahanga ni Soberano noong Martes na na-hack ang Instagram account ng "Darna" star matapos mapunang nawalan ito ng laman.

Mayroon 8.8 milyon followers ang Instagram account ni Soberano, na kamakailan ay napabilang sa "hall of fame" ng "The 100 Most Beautiful Faces" o listahan ng mga pinakamagagandang mukha ng British movie critic na si TC Candler.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.