Kilalanin ang "Seedling Queen" ng Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2016 12:01 PM | Updated as of Jul 26 2017 10:42 AM

Mula sa pangangalakal ng basura sa Payatas noon, isa ng mega-milyonarya si Daisy Duran dahil sa pagtatanim.

Si Daisy ay ipinanganak sa San Ildefonso, Bulacan. Noong bata siya ay nakipagsapalaran ang kanyang mga magulang sa Maynila. Naging squatter sila sa Payatas. Anya, dati raw ay excited silang magkakapatid na lumuwas ng Maynila, pero pagdating sa siyudad ay kailangan pala nilang mamulot ng basura para makakain at kailangan pumila sa mga namimigay ng pagkain tuwing Pasko.

Elementary graduate lamang si Daisy, kaya sa edad na 17 anyos, kinailangan niyang mamasukan bilang yaya para makatulong sa gastusin ng pamilya. Naging gasoline girl rin siya ng dalawang taon.

Nakilala niya ang kanyang mister, at sa perang natanggap sa kanilang kasal, ginamit nila itong puhunan para sa isang fishball stand. Sa loob ng 12 taon, ito ang naging kabuhayan nila. Ito ang pinagkakakitaan ni Daisy para pantustos sa pamilya, habang truck driver ang kanyang asawa.

Simpleng pamumuhay lamang noon ang kanyang mag-anak na may tatlong supling. Dahil nakatira sila malapit sa eskwelahan, naisip niyang magtinda ng fishball, palamig, at mga school supplies.

Nagsimula ang swerte niya sa pagtatanim noong 2001, nang magkaroon ng free training ang Department of Agriculture sa kanilang lugar. Isang babae raw noon na nagtratrabaho sa DA ang bumili ng palamig sa kanya. Dahil likas daw ang pagka-usisera niya, nagtanong siya tungkol sa training at nahikayat na sumali.

Nag-training tungkol sa iba’t ibang farming technique si Daisy sa loob ng tatlong araw. Matapos ang seminars ay mayroong ibinigay sa kanila na starter kit: mga seedlings, fertilizer at planting equipment na nagkakahalaga ng P10,000.00 na kailangan nilang bayaran ng hulugan.

Basurahan ang isa sa pinagkakitaan ni Daisy noon; sa basurahan din niya sinimulan ang bagong pangarap. Nagtanim siya sa tambakan ng basura na nasa likod ng eskwelahan. Nilinis niya ang lote at doon nagsimula ng taniman.

Kamatis ang kanyang unang tinanim. Umabot ng halos P70,000 ang kita niya sa unang buong season ng taniman. Nang naging malakas ang benta niya ng gulay ay inextend niya ang taniman sa pareho pa ring lote at dinagdagan ang mga gulay niya. Sa kanya na rin bumibili ng seedlings ang mga nais magtanim sa kanilang lugar. Lumawak nang lumawak ang bukirin ni Daisy. Ngayon, mayroon na siyang halos 4 na ektaryang lupain.

Sa kasalukuyan ay iba’t-ibang gulay at prutas ang makikita sa Duran Farm. Nagbibigay rin ng mga seminars si Daisy upang maibahagi sa iba ang kanyang kaalaman. Gusto niya kasing hikayatin ang mga Pinoy na magtanim.

Inilulunsad rin niya ang Farming Tourism. Kung gusto mong magrelax mag-isa, kasama ang partner o buong pamilya. May mga activities din silang inaalok kagaya ng pamimitas ng nga prutas sa kanilang 'pick and pay scheme' o pwede ring mamimgwit ng isda at mga palaka. May tractor-riding din. May mga kubo rin silang tulugan kung gusto mong mag-overnight, sila na ang bahala sa pagkain mo na fresh from the farm!

Dahil sa Payatas namulat sa kahirapan si Daisy, sa Payatas rin niyang gustong mamahagi ng tulong. Isang grupo doon na kinabibilangan ng mga PWD at single parents ang kanyang tuturuan magtanim.

At sigurado siyang kung sila ay kagaya niyang masipag at matiyaga, tiyak na mayroon silang aanihing tagumpay!

Abangan ang buong kwento sa My Puhunan, Enero 12, Martes, pagkatapos ng Bandila.

Para sa updates, pumunta lamang sa facebook page ng My Puhunan.