Umano'y imahe ni Hesus, nakita sa pader ng drainage canal sa Davao Oriental

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 11:28 PM

GOVERNOR GENEROSO, Davao Oriental- Dinagsa ng mga tao mula sa iba't ibang lugar ang umano'y imahe ni Hesu Kristo na nakita sa pader ng drainage canal sa Purok Lawaan sa Barangay Don Aurelio Chicote sa bayan ng Governor Generoso sa Davao Oriental.

Nag-alay ng mga bulaklak, nagsindi ng kandila at nanalangin ang mga bumisita sa imahe.

Umano'y imahe ni Hesus sa pader ng drainage canal sa Purok Lawaan sa Barangay Don Aurelio Chicote sa Bayan ng Governor Generoso na inalayan ng bulaklak at kandila ng mga tao. ABS-CBN News

Unang nadiskubre ni Melisa Garrido ang imahe nitong Disyembre 19 ng hapon habang naglalakad sa dalampasigan.

"Nagulat ako, nanghina ang katawan ko, napasigaw ako na ang mukha ni Hesus nakita sa semento kaya tinawag ko asawa ko tanong ko ano kaya ibig sabihin nito," aniya.

Panalangin ni Garrido na ilayo sila sa kalamidad pero nais din niya tulungan siya ng mga tao na manalangin palagi at maniwala sa Panginoon.

Ang welder na si Lindley Dagatan, bagama't may pag-aalinlangan nang unang marinig ang balita, agad na nagsindi ng kandila at nanalangin nang personal na nakita ang imahe.

"Naniwala ako kasi Kristiyano ako," aniya.

Bukod sa malaking imahe sa pader, nakita rin ang pinaniniwalaang imahe ni Hesus na may koronang tinik at isang anghel sa kanang bahagi ng pader.

Isa pang imahe umano ni Hesus na may koronang tinik at isang anghel na makikita sa kanang bahagi ng pader. ABS-CBN News

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Simbahang Katolika hinggil dito. May payo naman sila sa mga tao na pumupunta sa imahe.

"Sana huwag sila maging panatiko, kung ito ay gawa ng Diyos ito ay mabuti at magtatagal. Ang mensahe nito ay kailangan pa natin alamin, ipanalangin natin at pagnilay-nilayan natin lalo na at ipinagdiwang natin ang kapanganakan ni Jesus," paliwanag ni Rev. Dave Felizardo ng St. Francis Xavier Parish ng Governor Generoso.

Handa naman ang mga residente na paimbestigahan sa eksperto ang naturang pader kung bakit lumabas ang pinaniniwalaang imahe ni Hesus hindi umano sila papayag na gibain ito.