PatrolPH

Aktor nagsampa ng kaso nang maipit ang hinliliit sa eroplano

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 10:41 AM | Updated as of Dec 12 2018 10:58 AM

Nagsampa ng kaso ang isang aktor kontra sa dalawang airline ng Estados Unidos nang sumabit umano ang kaniyang hinliliit sa armrest ng sinasakyang eroplano noong Setyembre.

Sa kasong isinampa ng aktor na si Stephen Keys kontra American Airlines at SkyWest Airlines sa Los Angeles Superior Court, sinabi nitong nakaramdam siya ng pagkabalisa at matinding sakit nang mangyari ang insidente sa kaniyang first-class flight mula Reno, Nevada hanggang Los Angeles, California.

Aniya, itinaas nito ang armrest para abutin ang seatbelt, pero sumabit ang daliri n'ya sa isang butas sa ilalim ng armrest.

"The spring mechanism embedded inside of this hole in the armrest applied intense pressure to plaintiff's finger, immediately inflicting injury, swelling and pain," paliwanag ng suit.

Sinubukan umanong alisin ni Keys ang kaniyang hinliliit habang tinitingnan ng pasahero ang kaniyang sitwasyon, na nakakahiya umano para sa aktor ng "Soul Plane" at "Big Time Rush."

Isang oras umano nagtangka ang mga flight personnel at mga bumbero na tanggalin ang hinliliit ng aktor mula sa armrest hanggang sa sinubukang baklasin ng mekaniko ng airline ang armrest para matanggal na ang daliri dito.

Giit ni Keys, hindi n'ya magawa ang mga normal na gawain tulad ng paglalaro kasama ang mga anak dahil sa insidente.

Sa pahayag sa AFP, sinabi ng SkyWest na nakikipag-ugnayan na sila sa naagrabyadong aktor at umaasang masosolusyonan na ang isyu.

-- Salin mula sa Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.