RIGA, Latvia - Tatlong lalaki ang arestado sa pagpapalaklak ng alak sa isang pabo na dinukot pa nila mula sa isang pribadong zoo.
Miyerkoles sa kabiserang Riga isinagawa ang pagdakip, kung saan nasapul sa CCTV ang tatlong lalaki, na may edad 30 hanggang 40, na nagsiksik ng pabo sa isang itim na bag.
Pagkatapos, dinala ng 3 lalaki ang ibon sa seaside resort na Jurmala.
Nang makarating sa Bulduri train station - na nangangahulugang "Turkey's Speech" sa Latvian, agad silang nagpunta sa beach para uminom. Nagpalaklak din sila ng vodka sa ibon.
Tapos na ang inuman nang mapansin ng pulisya ang mga lalaki kasama ang turkey. Kinasuhan ng burglary at trespassing ang 3.
Ligtas ang ibon, pero makikitang may bakas pa ito ng hangover nang ipakita ang kalagayan nito sa TV3 Latvija evening news.
"One of the suspects was celebrating his 34th birthday and the other two decided to celebrate it this way,"ani Inga Zonberga, criminal police chief ng West Riga district, sa local media.
"Now the trio will face criminal charges for burglary and trespassing in an organized group," dagdag niya.
Dati nang minultahan ang tatlong lalaki sa iba't ibang paglabag.
-- Ulat ng Agence France-Presse
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, turkey, Latvia, hangover, odd stories, animal abuse, birthday, Europe, European news