Kampanya kontra pangongopya ng isang guro, patok sa social media

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 10:25 PM | Updated as of Dec 04 2019 11:16 PM

 

Umani ng papuri ang ginagawang anti-cheating campaign ng isang 29 anyos na guro nang mai-post sa social media ang mga larawan ng kanyang mga estudyante na nagsusuot ng nakakatuwang mga sombrero habang nasa exam sa isang paaralan sa Bayawan City, Negros Oriental.

Ang mga paboritong karakter sa video games gaya na lamang sa "Plants vs Zombies" at mga anime heroes na ginawang anti-cheating hats ang ilan lang sa mga isinuot ng mga mag-aaral ng Grade 10 habang nasa kanilang science exams.

Nagbigay ng karagdagang 20 puntos ang gurong si Irwin Borromeo sa estudyanteng may pinakamagandang sombrero kaya karamihan sa kaniyang mga mag-aaral ay ginalingan ang paggawa ng kanilang mga "anti-cheating hats."

May ilan din namang nagdala ng bonnet at helmet. Kahit simple ang kanilang suot, mas mahalaga umanong maiwasan nila ang paglingon sa sagot ng kanilang katabi sa pagsusulit.

Ayon kay Borromeo, una niyang nakita ang mga anti-cheating hats sa social media na naglalayon na mailabas ng mga estudyante ang kanilang creativity at nang mapanatili sa kanila ang katapatan pati na ang pagsisikap sa pag-aaral.

Kaya minabuti niya na gawin ito na agad rin namang nagustuhan ng kaniyang mga mag-aaral.

"When I told them na, uy let's try anti-cheating hats kasi alam ko naman talaga po na hinding-hindi mangyayari na wala talagang cheating na mangyayari dun pag-exams. So, just for, yung dual purpose namin just to have fun sa section ko tapos yun just to, hopefully it will help talaga na mag-prevent sa cheating nila, so I tried it out," ani Borromeo.

Naniniwala si Borromeo na ngayon ay anim na taon nang nagtuturo na halos nakasanayan na ng karamihan sa mga mag-aaral ang mangopya sa mga pagsusulit kaya kailangan na mabago ito upang maituwid sila sa tamang landas.

"I hope we change our mind shift, I know mahirap kasi andami pang nangyayari sa educational system sa Philippines but I hope in the future we change the mindset na hindi lang, of course the grades matter, but it will never be a way to measure the capabilities of our students," dagdag pa ni Borromeo na siya ring academic coordinator ng St. Augustine Academy of Bayawan, Inc.

Nakatanggap ng papuri si Borromeo dahil sa mga nakakaaliw na larawang kaniyang ipinost sa social media.

May mga kapwa guro ang nagsabing susubukan rin nila ang ganitong paraan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.