Mga asong kalye sa Laurel, huhulihin para ligtas ang cycling events ng SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 01:08 AM

BATANGAS—Inirekomenda ng lokal na pamahalaan ng Laurel, Batangas ang paghuli sa mga asong kalye na posibleng magdulot ng aksidente sa mga cycling event ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

"'Yong mga aso, 'yong mga asong kalye, hindi natin maiiwasan na dadaan sila, hindi naman po sila kagaya ng taong mapapakiusapan natin," ani Laurel mayor Joan Amo.

Sa linggo na aarangkada ang cycling events ng palaro kaya puspusan ang paghahanda ng lokal na pamahalaan dahil dito gaganapin ang downhill, cross country at road race category.

Naglagay ng portalets at mga tents na gagamitin ng mga siklista. Handa na rin ang ramp sa starting point ng downhill competition.

Ayon sa municipal tourism office, kailangan maging maayos ang takbo ng mga kompetisyon sa lungsod dahil pagkakataon umano ito para maibida ang turismo nila.

"Isa na nga ang SEA Games na perfect opportunity for us para mai-promote ang bayan ng Laurel," ani Laurel tourism officer Menchie delos Reyes.

Matarik ang ruta ng cycling events, kabilang na ang umpisa ng track na nasa mas mataas na bahagi ng Barangay Niyugan.

Kaya may rescue teams din ng non-government organization ang ide-deploy sa araw ng kompetisyon, bukod sa rescue team ng organizer at LGU.

Sa ibabang bahagi ng barangay, gaganapin ang cross-country competition na unang kategoryang paglalabanan sa linggo.

Road race category naman ang paglalabanan sa Disyembre 7 kung saan madadaanan ang buong highway ng Laurel papuntang Tagaytay City.

Naka-deploy na rin ang pulisya at dagdag na security personnel.

"Ang priority natin dito is 'yong safety ng delegates natin... considering na 'yong area natin is off road," ani Police Capt. Garry Abregunda, acting chief ng Laurel police.—Ulat ni April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games