'Ube man': Magsasaka sa Benguet nakahukay ng dambuhalang white ube

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 07:58 PM

Isang dambuhalang ube na may laking 6 talampakan at bigat na 28 kilo ang nahukay ng magsasakang si Homer Menzi sa Tuba, Benguet. Nathaline Daniel, ABS-CBN News

TUBA, Benguet — Isang magsasaka sa bayan na ito ang binansagang "ube man" matapos makapagpatubo ng dambuhalang ube sa kaniyang taniman. 

Huwebes nang mahukay ng magsasakang si Homer Menzi ang isang 6-talampakang white ube na may bigat na 28 kilo. 

"Dati naming tinaniman ito pero ngayon lang ulit nahukay kasi nagpunta kaming Agoo kaya ngayon lang namin nakita, kaya medyo malaki-laki," sabi ni Menzi. 

Namangha ang mga kapitbahay ni Menzi kaya ipinost nila ito sa social media.

"Noong una kasi may ganun din kaso 13 kilos lang. Natutuwa kami kasi may ganun kalaking ube, naaliw lang na i-post ito," ayon sa pinsan ni Menzi na si Jayson Pacio.
 
Ayon sa agricultural technologist ng bayan ng Tuba, kakaiba ang white ube ni Menzi. 

"The ube kasi, the longer na nagse-stay siya sa lupa nagshi-shrink siya, liliit or mayroon din 'yung tinatawag na palayon o mabubulok 'yun sa ilalim ng lupa. Kaya 'yung [ube ni Menzi] siguro isa-subject natin siya for further study," sabi ni Michelle Saingan. 

Sikreto raw sa pagkakaroon ng giant ube ang magandang kalidad ng lupa.

"Mas maganda kung 'yung lupa malambot, wag 'yung matigas para madaling tumubo, gaya nito fertile ng lupa," payo ni Menzi. 

Gayunpaman, ibinenta na ni Menzi ang puting ube sa Good Shepherd, isa sa pinakasikat na bilihan ng pampasalubong sa Baguio.

Namangha din ang Good Shepherd sa ube ni Menzi. 

"Maliban sa organized farmers namin sila, quality rin kasi 'yung seedlings na itinatanim nila kaya bubunga ng quality so bale na-surprise ako na makakita ng ganyan kalaking ube," ani Michael Amagod, purchasing officer ng Good Shepherd.
 
Nasa 12 ektarya ang taniman ng ube sa Tuba, pangalawa sa pinakamalawak sa buong Benguet.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.