Thai video game addict natagpuang patay sa harap ng computer

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 01:34 PM

Natagpuang patay sa harap ng kaniyang computer ang isang teenager sa Thailand na ugali umanong maglaro ng computer games sa magdamag, ayon sa ulat.

Kinilala ang nasawi bilang si Piyawat Harikun, 17 mula sa lungsod ng Udon Thani sa hilagang Thailand, ayon sa ulat ng Seven News, isang television news service sa Australia.

Ikinuwento ng mga magulang ni Piyawat na ugali raw ng kanilang anak na manatiling gising buong gabi para maglaro ng multiplayer battle games sa computer nito.

Sa araw naman ay isinasara ni Piyawat ang mga kurtina sa kaniyang kuwarto at magpapatuloy sa paglalaro, sabi sa ulat.

Ayon umano sa mga magulang, dinadalhan nila ng pagkain sa kuwarto ang teenager at hinihimok itong tumigil sa paglalaro pero ayaw nito.

Noong Lunes, Nobyembre 4, pagpasok ng amang si Jaranwit sa kuwarto ni Piyawat ay nakita niyang wala nang malay ang kaniyang anak sa may computer.

Sinubukang i-revive ni Jaranwit, na isang air force officer, ang kaniyang anak pero hindi na raw ito rumesponde at binawian na ng buhay.

Ayon sa ulat, base sa pagsusuri ng mga medic sa bangkay ng teenager noong Nobyembre 6, stroke ang ikinamatay nito bunsod umano ng magdamag na paglalaro ng computer games.

Binalaan ni Jaranwit ang mga magulang na huwag hayaang maadik ang mga anak sa computer games.

Noong Hunyo ng nakaraang taon, kinilala ng World Health Organization ang gaming addiction bilang mental health disorder. -- May ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.