TINGNAN: Hardin sa Nueva Vizcaya, pantalon ang taniman

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 08:55 PM | Updated as of Nov 08 2018 11:01 AM

Screengrab

Ang nakagawiang gamit ng pantalon para sa karamihan ay bilang kasuotan pang-ibaba na madalas pinanglalakad.

Pero ang isang barangay sa Nueva Vizcaya, nakahanap ng kakaibang paraan upang mapakinabangan ang mga lumang pantalon: ginagawa nila itong taniman ng halaman. 

Para patayuin ang pantalon, nilalagyan nila ito ng frame na kahoy at pinupuno ng lupa para tamnan ng short string beans. 

Paliwanag ni barangay chairman Marlo Gumangan, kulang ang espasyo sa barangay hall kaya naisip ang ganitong paraan. 

Screengrab

"Kulang 'yung space ng barangay hall namin tapos ito kasi communal garden. Parang fence na niya. 'Yung mga pants na ginamit namin recycled po. Kasi hindi na nila ginagamit, 'yung iba pumayat, tumaba," aniya.

Nagsilbing pambato ng barangay Tidang sa "Search For Makakalikasang Barangay 2018" ng lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya ang halamanan 

Screengrab

Humihinto pa ang mga dumaraan para mag-selfie. Pero may ibang nanghihinayang sa paggamit nito. 

Ayon kay Gumangan, posible pa nilang patagalin ang nasabing halamanan sa kanilang barangay. 

May vermicompost facility rin ang barangay na pinagkukuhanan ng organikong pataba para sa mga halaman. 

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.