Ilang 'nagpaparamdam' sa bahay sa Muntinlupa, tinukoy

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2018 10:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikalawa sa dalawang bahagi

Minsan nang dinalaw si Dean Peclaro ng mga umano ay nilalang na sa tingin niya ay iyong mga nagpaparamdam sa kanilang bahay sa Muntinlupa, sabi ng binata.

"'Yong una po, may kumausap pong matanda sa'kin sa gate, parang nagtatanong-tanong lang po siya," ani Dean.

"Tapos 'yong pangalawang panaginip ko po, nandiyan na po sila sa loob [ng bahay]. May kasama po siyang lalaki, parang nag-uusap po sila."

Madalang nang uwian ng pamilya Peclaro ang naturang bahay dahil sa mga kakaibang pangyayari na pinaniniwalaang nilang gawa ng mga ibang nilalang, gaya ng mag-isang pagbukas ng mga gripo at pagkarinig sa mga bulong-bulong.

Bunsod nito, inikot ng ilang paranormal expert ang bahay ng mga Peclaro para alamin at kilalanin ang mga elementong nakikihati umano sa tahanan.

Ayon sa paranormal expert na si Natchie Cubacub, may isang kuwarto sa bahay kung saan niya naramdaman ang malakas na enerhiya ng isa umanong black lady.

"Galit na galit siya," ani Cubacub. "'Di talaga siya nagmula dito, parang sumama lang siya... namahay lang siya."

Bukod sa black lady, ani Cubacub, mayroon ding mga duwende na responsable umano sa mga hindi maipaliwanag na pagbukas ng gripo at pagkatok sa pinto.

"Mapaglaro din sila minsan kasi eh," ani Cubacub.

May mga nakita rin ang mga paranormal expert sa bahay na maaaring maging dahilan daw ng "infestation" o iyong pamamalagi ng mga elemento.

Kabilang daw rito ang salaming nakaharap sa kama at ang orasang nakaharap sa pinto.

Malaki rin ang posibilidad na ang mga elemento sa bahay ng mga Peclaro ay nagmula sa isang luma at abandonadong bahay na hindi nalalayo sa kanila.

Nang pasukin ng mga paranormal expert ang abandonadong bahay, may naramdaman daw sila doong kapre, black lady at iba pang nilalang.

Bukod sa pagkilala sa mga nakikitira sa bahay ng mga Peclaro, sinubukan din itong i-cleanse ng mga paranormal expert sa pag-asang matigil na ang mga pagpaparamdam.

Pero pinaalalahanan din ng mga eksperto ang pamilya na ang pagpaparamdam ng mga elemento ay dala rin ng mga negatibong enerhiya sa kanilang buhay, gaya ng stress o sama ng loob, na kailangan din daw nilang alisin nang tuluyan.

--Ulat ni Noli De Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.