Kaybiang Tunnel sa Cavite, balot ng kababalaghan?

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 01:48 AM

TERNATE, Cavite — Nakaugalian na ng mga rider at turistang ang bumusina habang dumadaan sa 300 metrong Kaybiang Tunnel sa Ternate, Cavite.

Paraan umano nila ito para magpasintabi sa umano’y mga ligaw na kaluluwa na nagpaparamdam dito.

Ang Kaybiang Tunnel ang tinaguriang longest road tunnel sa Pilipinas at idinudugtong ang lalawigan ng Cavite sa Nasugbu, Batangas.

Taong 2013 nang maitayo ang tunnel pero balot na umano ito ng kababalaghan, ayon sa ilang motorista.

Sabi ni Aling Lorena na may tindahan sa dulo ng tunnel, ang mga namatay umano sa aksidente dito ay tila gumaganti sa iba.

“Parang inaano nila na kaya raw may namatay, yun, parang nakuha raw ng...kaya may naaksidente uli, nakuha ng buhay uli…yan lagi mga kwentuhan dito, merong nakikita raw nayuko yung ano, pero wala naman daw hangin...yukong kawayan daw, dinadaanan nila," ani Lorena Cariño, may tindahan malapit sa Kaybiang Tunnel.

Ang ilang mga residente naman, sinasabing tila may naririnig silang bumubulong kapag pumapasok sila sa tunnel.

Pero mayroon din mga motorista na duda sa mga kuwentong ito.

Bahagi na raw talaga ng kulturang Pinoy ang kuwentong kababalaghan lalo na tuwing gugunitain ang araw ng mga patay.

Wala umanong masama kung maniniwala sa mga ito, pero sa huli, nakasalalay sa pagmamaneho ng motorista ang sariling kaligtasan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.