Bahay sa Muntinlupa, madalang uwian dahil 'may nagpaparamdam'

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 08:48 PM | Updated as of Nov 01 2018 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 Una sa dalawang bahagi

Madalang nang uwian ni Rowena Peclaro at ng kaniyang pamilya ang kanilang bahay sa Muntinlupa. 

Bukod daw kasi sa stay-in siya sa trabaho, tila may iba nang "nakikitira" sa naiiwan nilang tahanan, na noong una ay parang "nakikipaglaro" lang sa kanila.

Taong 1991 nang manatili si Rowena sa naturang buhay at noon pa man ay may mga naranasan na siyang mga kakaibang pangyayari, gaya ng umano ay pagtago ng mga ibang nakikitira sa kaniyang bisikleta.

"Hindi sila nananakot parang binabantayan pa nga po kasi tinatago niya 'yong bike ko," kuwento ni Rowena.

Kung minsan ay sa gitna ng gabi nambubulabog ang mga umano ay kasama nila sa bahay.

May isang insidenteng mag-isa raw nagbukas ang kanilang gripo bandang alas-2 ng madaling araw.

Nang isara na ni Rowena, nakarinig umano siya ng mga kakaibang tunog.

"Parang nanggaling iyong sound dito sa isang kuwarto na parang nag-uusap," ani Rowena.

Ayon kay Rowena, matapos ang ilang gabi, sa gitna ng pagtulog nila ng kaniyang mister, narinig niya ulit ang mga boses.

Kuwento naman ng anak ni Rowena na si Dean, may isang pagkakataong habang nasa labas siya ng bahay ay inakala niyang tinatawag siya ng ina.

"Nasa labas po ako... parang naihi po ako tapos bigla pong may tumawag po sa'kin," ani Dean. "Parang boses ni mama, sabi ko, 'Mommy wait lang.'"

Pero nang makausap ni Dean ang ina, itinanggi nitong siya ang tumatawag sa anak.

Nakasanayan na lang daw ng pamilya ang mga katok, bulong at kung ano-ano pang pagpaparamdam ng mga nilalang na kahati nila sa bahay hanggang sa unti-unting lumala ang mga ito.

May isang insidente, ani Rowena, na habang natutulog si Dean ay bigla raw itong tumawa at nagsalita pero iba raw ang boses nito.

May mga pagkakataon ding kinakatakot sila mula sa ilalim ng kama at tila raw gustong iangat ang kama.

Dala ng takot, tuwing bibista ay hindi na nagpapaabot ng dilim ang pamilya ni Rowena sa bahay at mas pinipili na lang nilang makitulog sa bahay ng kaniyang kapatid.

Isang grupo ng mga paranormal expert ang isinama sa bahay para alamin kung ano ang mga kasama ng pamilya sa tahanan at kung bakit nagpaparamdam ang mga ito.

--Ulat ni Noli De Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.