'Scamenteryo' sa Davao City, patok na atraksyon ngayon Undas

Vina Araneta, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 01:50 AM

DAVAO CITY - Atraksyon ngayon sa Barangay Communal, Buhangin District, Davao City ang isang bakanteng loteng ginawang tila isang sementeryo.

Pero imbes na mga tao, ang iba't ibang umano'y investment scheme sa Pilipinas ang "nakalibing" dito. 

Ilan sa mga nakalibing sa "scamenteryo" ang Rigen, Ever Arm, Titan at Aman, habang kasalukuyang pinaglalamayan pa ang Kapa.

Hugot umano ito ng mga gumawa ng sementeryo dahil nabiktima sila ng mga investment schemes.

Nasa 30 ang mga libingan na gawa sa kahoy at styrofoam.

Ayon kay Jomar Uson, ililibing nila sa darating na Nobyembre 2 ang kasalukuyang pinaglalamayang Kapa.

Kapwa mga trabahador sa isang furniture shop sa Communal ang nagdisenyo at nagtulong-tulong sa paggawa ng kakaibang sementeryo para maging atraksiyon ngayong Undas.

Agaw-atensiyon sa mga motorista at mga napapadaan ang nasabing atraksiyon.

Paliwanag ni Bong Zamora na isa rin sa nakaisip ng scamenteryo, dito na lang nila ibinunton ang kanilang panghihinayang sa nasayang na pera sa mga investment schemes.

Hindi kasi tumubo at hindi na naibalik ang kapital ng kanilang pera.

Bukod sa mga investment scams, may mga inilibing din na may nakalagay na single, walang kasintahan, pakialamera, tsismosa at iba pa.

Maaring puntahan ang scamenteryo hanggang sa Nobyembre 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.