PatrolPH

PANOORIN: Manyikang may sumpa

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2016 04:05 PM

Manyikang tila nangungusap ang mga mata, mapula ang labi at maganda ang kinagigiliwan ng mga bata at ginagawa pang koleksyon ng ilan. 

Para kay Jenny dela Peña, iniingatan niyang parang tunay na bahagi ng pamilya ang kaniyang mga manyika, lalong lalo na ang isa.

Taong 1986 nang ipamana kay Jenny ang isang manyika ng kaniyang tiyahin. Naging paborito niya ito at kasa-kasama hanggang sa pagtulog. Ngunit nang magdesisyong lumipat ng tirahan ang kaniyang pamilya, naiwan ang manyika sa lumang bahay.

"Gusto ko sanang isama yung manyika kaya lang hindi ako pinayagan ng nanay ko dahil luma na naman daw iyon," aniya.

Simula nang bumalik at manirahang muli ang Pamilya Dela Peña sa dati nilang bahay, nagsimula na raw ang makapanindig-balahibong karanasan nila sa manyika.

"May mga pagkakataon na mag-isa lang ang manyika sa taas ng bahay pero may maririnig kami sa ibaba na lumalangitngit sa itaas na parang may naglalakad, may kumakatok, at minsan naiiba ang puwesto ng doll," kuwento ni Jay Zambrano, pinsan ni Jenny.

Ang manyikang dati ay ngiti at saya ang hatid, biglang takot na ang dala sa pamilya.

"Habang natutulog ako, napanaginipan ko yung manyika na sinasabi sakin na kapag pinamigay o itapon ko siya ay uubusin daw yung angkan namin. Isa-isa kaming papatayin," sabi ni Jenny.

Matapos nga ang bangungot, sunud-sunod na nagkasakit ang ilang miyembro ng kanilang pamilya at ang isa sa kaniyang tiyuhin ang pumanaw matapos lamang ang ilang buwan.

Paniwala nila, ito na ang sumpa ng manyika na tila sinaniban ng masamang espiritung gustong makapaminsala.

Sinubukan nilang sunugin ang manyika, pero laking-gulat nila nang damit lamang nito ang naabo.

Sa tulong ni Master Hanz Cua, inalam namin ang misteryong bumabalot sa naturang manyika. Lumibot si Master Hanz sa bahay at nagsagawa ng isang cleansing ritual, kung saan pati ang manyika ay dinasalan at binasbasan.

Umaasa ang pamilya na matatapos na dito ang malagim na pagpaparamdam at tuluyan nang umalis ang umano'y sumpa ng manyika.

Umagang Kay Ganda, October 27, 2016 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.