'White lady' sinisisi sa mga aksidente sa 'killer road' sa Pangasinan

Elaine Fulgencio , ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 06:38 PM | Updated as of Oct 25 2019 06:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

SUAL, Pangasinan—Tinawag na "killer road" ang isang zigzag na kalsada dito kung saan maraming naitatalang mga aksidente, dahil hanggang ngayon daw ay may hindi pa rin matahimik na kaluluwa roon.

Daan ang naturang zigzag road papunta sa mga beach at resort sa western Pangasinan.
 
Hindi naman gaanong matarik ang aabot sa 1 kilometrong kalsada pero taon-taon, may mga nagbubuwis ng buhay dito.
 
Ang ilang residente, may paliwanag sa mga aksidente.
 
"May nakita kami dati nung bata pa ako na white lady diyan... Natakot kami... Kapag dumadaan ako diyan bumabalik 'yung takot ko," sabi ng Joey Ibañez, tricycle driver.

"Pista ng patay noon biglang bumigat 'yung tricycle ko kahit dalawa lang kami nung sakay ko," kuwento naman ni Bernard Canonico, isa ring tsuper ng tricycle.

Kuwento raw ng matatanda, dekada '70 nang may pinatay at itinapong babae umano sa bangin pero walang nakuhang bangkay.
 
"Pinabendisyunan na namin iyan dahil sa mga naaksidente," sabi naman ni Ramonito Sabido, chairman ng Barangay Poblacion.
 
Ayon sa pulisya, may 7 road accidents na sa zigzag road ngayong taon.
 
"Human error or mechanical error ang nakikita nating sanhi ng aksidente. Minsan nawawalan ng kontrol kasi mataas," ayon kay Police Lt. Fredwin Sernio, hepe ng Sual police.
 
Totoo man o hindi ang mga kuwento ng kababalaghan, may payo ang simbahang Katoliko.

"Hindi dapat ginagawang katatakutan, dapat inaalala natin sila sa pamamagitan ng pagdarasal... Mag-alay tayo ng dasal para sa kanila," sabi ni Fr. Oscar Roque, director ng Beato Juan Martinez Pastoral Station.
 
Kaya tuwing daraan sa zigzag road, wala naman daw mawawala kung ipagdarasal ang mga hindi matahimik na kaluluwa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.