Mambabatas sa Bangladesh kumuha ng 8 'kalokalike' para sa exam

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 11:13 AM

MANILA - Pinatalsik mula sa pamantasan ang isang mambabatas sa Bangladesh na kumuha umano ng nasa 8 babaeng kamukha niya upang magpanggap bilang siya at sumagot ng mga exam sa kaniyang pangalan. 

Nabulgar ang kontrobersiya matapos sitahin ng broadcaster na Nagorik TV sa test hall ang isa sa mga babaeng binayaran umano ni Tamanna Nusrat para sagutan ang hindi bababa sa 13 exam. Kumalat sa internet ang video ng insidente. 

Kinansela na ng Bangladesh Open University ang enrollment ni Nusrat sa Bachelor of Arts degree at hindi na rin siya papayagang makabalik sa unibersidad, ayon sa pinuno nitong si M.A. Mannan. 
 
"We expelled her because she has committed a crime. A crime is a crime," aniya sa panayam ng Agence France-Presse. 

Dagdag ng isa pang opisyal, protektado ng mga tauhan ni Nusrat ang kaniyang mga impostor nang nag-test sila, ngunit walang agad na sumita sa mga ito dahil maimpluwensya ang pamilya ng mambabatas.

Hindi nagbigay ng pahayag si Nusrat. 

Laganap ang dayaan sa exam sa Bangladesh at madalas na napipilitan ang mga awtoridad na ipawalang bisa ang mga resulta nito.

Ulat ng Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.