Sementeryong kilala sa kalinisan, handa na sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2020 06:28 PM

Ayon sa may-ari ng RCD Wax and Candles na si Marilyn Dagooc, malaking dagok sa kanila ang pandemya kaya nagbawas sila ng 50 porsyento sa candle production para sa Undas pero hindi ng mga tauhan.

IRIGA CITY, Camarines Sur — Nakahanda na ang 57-anyos na sepulturero na si Elmer Larcena sa pagdagsa ng mga maagang dadalaw sa Iriga City Catholic Cemetery bago ang Undas sa gitna ng pandemya.

Hindi na nila kailangang maglinis ng nitso at mawsoléo dahil dalawang beses kada linggo kung magpatanggal siya ng mga damo’t mga lumot dito.

Isa ang nasa 5 ektaryang sementeryo sa itinuturing na pinakamalinis sa lalawigan ng CamSur.

Sabi ni Larcena, sa bayad ng mga nagpapalibing niya kinukuha ang suweldo sa mga katulong niya sa pagpapanatili ng kalinisan ng sementeryo.

Samantala, nag-uumpisa na ring maramdaman ng pinakamalaking pagawaan ng lokal na kandila sa Camarines Sur ang demand sa kandila para sa Undas, pero apektado ito ng pandemya.

Pero ayon sa may-ari ng RCD Wax and Candles na si Marilyn Dagooc, malaking dagok umano sa kanila ang pandemya kaya nagbawas sila ng 50 porsiyento sa candle production para sa Undas pero hindi ng mga tauhan.

Mabenta umano ngayong may pandemya ang glass at vigil candles.

Wala rin umano silang taas-presyo ng kandila at may diskuwento pa sa bibili ng maramihan bilang tulong na rin ngayong pandemya. —Mula sa ulat ni Jonathan Magistrado 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.