PatrolPH

Flight attendant sa India, nahulog mula sa eroplano

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 12:45 PM

Sugatan ang isang flight attendant ng Air India matapos mahulog mula sa kanilang eroplano habang naghahanda sa kanilang flight nitong Lunes sa Mumbai International Airport. 

Ayon sa kanilang senior manager na si Pravin Bhatnagar, nahulog ang babae nang isasara na niya ang isa sa mga pinto ng Boeing 777 na eroplano.

Kasalukuyang nagpapagamot ang babae sa ospital. Ayon sa mga ulat, nabali ang kaniyang buto sa paa matapos ang insidente. 

Nasangkot na sa ilang aberya ang Air India, kabilang ang ilang insidente kung saan na-late ang mga staff sa kanilang mga flight. 

Sinuspinde rin ang dalawa nilang piloto noong nakaraang linggo nang mabangga at masira ang parte ng kanilang eroplano sa isang pader habang lumalayag. Tuluyan pang lumipad ng apat na oras ang eroplano bago ito nag-landing. 

Namatay naman ang isa sa kanilang mga technician noong 2015 nang mahigop ng makina habang ihinahanda para sa take-off ang eroplano. Nangyari naman ang nasabing insidente nang akalain ng co-pilot na nagsenyales ang ground staff na buksan na ang makina ng eroplano. 

Noong nakaraang buwan naman, napagkamalan ng isang pasahero na pintuan ng banyo ang pintuang exit pala ng eroplano habang nasa gitna ng lipad mula new Delhi hanggang Patna. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.