Pinoy naka-jackpot ng higit P2M sa US lotto gamit ang UltraLotto numbers

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 07:52 PM

Kung wala pang nakaka-jackpot sa higit P1 bilyong premyo sa UltraLotto sa Pilipinas, isang Pinoy naman ang tila sinuwerte nang gamitin ang panalong kombinasyon sa tinayaang lotto sa Amerika.

Ito'y matapos masungkit ni Edgardo Antido, 59, ang jackpot na $50,000 — o tinatayang nasa P2.7 milyon — matapos i-recycle ang UltraLotto winning numbers nang tumaya siya sa Bonus Match 5, isang uri ng lottery sa Maryland, USA. 

Ginamit ni Antido ang winning numbers sa UltraLotto noong Oktubre 9 na 12-16-46-03-38-36, puwera sa 46 dahil lima lang ang numerong kailangan sa Bonus Match 5. 

Kuwento ng Pinoy sa isang panayam, napanood niya ang pagbola sa UltraLotto noong Oktubre 9 at naisipan niyang itaya ito sa lotto sa Maryland noong sumunod na araw.

Balak gamitin ni Antido ang napanalunang jackpot para magbakasyon, at ang matitira ay itatabi niya sa bangko. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.