PatrolPH

Pasahero, pinalayas sa eroplano nang tangkaing mag-charge sa cockpit

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 04:31 PM

Isang pasahero ang pinalayas mula sa eroplano nang tangkain niyang pumasok sa cockpit, o iyong silid sa unahan ng eroplano kung saan naroon ang piloto, para mag-charge ng cellphone.

Sa isang pahayag noong Miyerkoles, ibinahagi ng IndiGo airline na nangyari ang insidente noong Lunes habang naghahanda para sa lipad ang isa nilang eroplano mula Mumbai, India patungong Kalkota, India.

Ang piloto ang nagdesisyong ipababa mula sa eroplano ang pasahero dahil sa paglabag nito sa mga patakarang panseguridad, sabi ng IndiGo.

Nasa 30 anyos ang lalaking pasahero, na lasing noong nangyari ang insidente, ayon sa isang opisyal ng paliparan.

Kinuwestiyon ang lalaki ng mga pulis pero agad ding pinakawalan, dagdag ng opisyal.

Ito ang ikalawang kakaibang insidente na nangyari sa isang Indian domestic flight nitong linggo matapos ang insidente ng isang pasahero na napagkamalang pintuan ng banyo ang pintuang exit pala ng eroplano habang nasa gitna ng lipad.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.