Kambing, isinilang na may dalawang ulo

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 01:28 PM | Updated as of Sep 26 2019 03:11 PM

Gumamit pa si Marilyn Hernandez ng dropper para mapainom ng gatas ang kambing na ipinanganak na may dalawang ulo pero pumanaw din makalipas ang ilang araw. Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

ROSARIO, Batangas – Nadoble ang tuwa ng isang ginang sa Barangay Salao sa bayan ng Rosario sa Batangas dahil bukod sa nanganak na naman ang kaniyang pinakapaboritong alagang kambing, ang isa sa supling nito ay may dalawang ulo.

Pero ayon kay Marilyn Hernandez, napalitan ang tuwa ng lungkot nang pumanaw din ang kakaibang kambing nitong Martes.

“Parang bata ka, sabi ng asawa at mga anak ko, kambing lang ‘yan. Hindi, mahal ko mga hayop ko. Napamahal na iyon sa akin,” ani Hernandez.

Linggo nang isilang ng paborito niyang alagang si “Tamimi” ang 3 kambing, kung saan ang isa rito ay may dalawang ulo. Bukod sa 3, may higit 20 na ring mga anak si Tamimi na ipinaaalaga sa kaniya ng kanilang kapitan.

“Tinatawanan nga ako ng aking mga anak. Sabi ko hayaan niyo at pag ito’y nabuhay kahit saan ako pumunta dadalhin ko ito. Ibibili ko ito, gagawa ako ng bag na lagayan nito at kahit saan dadalhin ko ito sa sobrang tuwa ko,” kuwento ni Hernandez.

Aniya, ngayon lamang siya nakakita ng kambing na may 2 ulo sa loob ng 30 taong pagaalaga niya ng hayop.

Ginamitan pa niya ng dropper ang kakaibang kambing dahil hirap itong makadede kay Tamimi.

Ayon sa municipal agriculturist na si Jane Libuit, nagkaroon ng congenital defect na bicephaly o polycephaly ang batang kambing.

Maliit daw talaga ang tiyansang mabuhay ng matagal ang mga hayop na ipinapanganak na parang “conjoined twins” ang kundisyon.

Unang kaso raw ito ng bicephaly sa hayop sa naturang bayan.

“Kasi nga dahil isa lang 'yung katawan niya so more or less 'yung mga organs niya ay isa din lang although dalawa 'yung na-form na ulo niya kasi nga para siyang twins na di nagkahiwalay so possible talaga na hindi tumagal nung ganito,” paliwanag ni Libuit.

Napagtapos sa pag-aaral ni Hernandez ang 8 anak dahil sa pag-aalaga ng kambing. Kaya bilang pasasalamat, inilibing niya nang maayos ang kakaibang kambing sa bakuran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.