Akalang riding-in-tandem: Lasing na 'nang-aresto, umaway' ng pulis, huli

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 11:09 AM | Updated as of Sep 26 2019 11:14 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos makipag-away sa isang pulis sa Sampaloc, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si alyas "Berto," na "nang-aresto" umano ng isang pulis ng Quezon City dahil inakalang riding in tandem ito.

Sinasabing nasa impluwensiya ng alkohol ang suspek nang mangyari ang insidente.

Kuwento ng pulis na si Police Cpl. Ruffi Yadao, pauwi siya ng kaniyang bahay nang pumarada sa kanto ng P. Florentino Street.

Pero laking gulat niya nang murahin siya ni "Berto" na nakatayo sa naturang lugar.

"Bigla niya akong sinabihan na 'hoy, huwag kang pumarada riyan umalis ka riyan'. Noong minura niya ako sabi ko 'tumigil ka na diyan.' Nagpakilala na akong pulis sa kaniya," ani Yadao.

Ayon naman kay "Berto," nag-citizen's arrest siya sa pag-akalang kasama sa riding in tandem si Yadao.

Kinapkapan din ni Berto ang pulis habang nag-uusap sila, base sa kuha ng CCTV sa lugar.

"Paano ko malalaman kung pulis siya kung hindi ko siya kakapkapan?" ani Berto.

Naglakad na palayo ang pulis pero nagpatuloy pa rin umano ang lalaki sa pakikipag-usap. Makalipas ang ilang saglit, tinulak ni Yadao ang lalaki at saka sinuntok.

“[Ang sabi niya] ‘kung pulis ka ilabas ko baril mo.’ Hanggang inaano niya 'yung sling bag ko… Doon ko na siya dapat aarestuhin kaya lang biglang nagkaroon ng komosyon. Natulak ko siya ta's parang nasagi ko sa mukha. Kasi aagawin nga niya 'yung sling bag ko eh tsaka pinagmumura na rin niya ako sa tao eh,” ani Yadao.

Umamin si Berto na lasing siya nang mangyari ang isnidente.

Magkakapatong na kasong Unjust Vexation, Resistance and Disobedience to a Person In Authority, at Direct Assault ang isasampa laban kay Berto.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.