NAGA CITY - Napakamot na lang ng ulo si Cassandra Nichole Alegre matapos maka-order ng 6 na portable aircon at 3 laruang baril ang kanyang 5 taong gulang na anak sa isang sikat na online shopping application.
Kuwento ni Alegre, binigyan niya ng sariling smartphone ang anak subalit di niya inasahan na magiging bihasa ito sa paggamit nito.
Maliban sa games na kadalasang hilig ng mga bata, mayroon na ring mga application ang cellphone ng anak.
Huli na nang makita niya ang mga inorder ng anak dahil for delivery na ang mga ito. Umabot sa P5,000 ang kabuuang halaga ng binili ng anak.
Ikinagulat din ni Alegre nang makitang marami pang ibang produkto ang nasa "cart" ng anak sa mobile app, at umabot na sa halos P1 milyon ang halaga ng mga ito.
Naipost ni Alegre sa Facebook ang nangyari at umani ng iba’t-ibang komento galing sa netizens. May mga natawa at naiyak, may mga nagbahagi ng kanilang diskarte sa pagpapagamit ng gadgets sa anak tulad ng paglalagay ng password sa bawat app at mayroon din mga naka-relate sa kuwento niya.
Umabot na sa 26,000 "shares" ang post at kwento ni Alegre. Nakarating na rin ito sa mga seller na pinag-orderan ng anak ay nakausap niya na ang mga ito.
Pumayag naman umano ang mga ito na huwag niya na lang niyang tanggapin ang mga produkto.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.