Kane Reinholdtsen, Unsplash
Biglang nagkalakas loob ang mga sintonado dahil ngayon ay mayroon na ring patimpalak para sa kanila.
Sa Kabankalan City, Negros Occidental, inilunsad ni Vice Mayor Miguel Migz Zayco sa kanyang Facebook page ang “Search for Libagon Champion”, isang online singing contest para sa mga wala sa tono.
“Na-notice ko na yung mga tao mahilig kumanta, may passion sa pagkanta. Pinoy e. That is why ang karaoke ay sikat, isa sa mga favorite pastimes ng mga Pinoy. Pero sa dami-daming kumakanta, dami ring kumakanta na sintonado pero nahihiya kaya kumakanta lang sa kanilang mga bahay,“ ani Zayco.
Aniya, nagulat siya dahil sa loob lang ng isang oras matapos mag-post tungkol sa kompetisyon, humakot ito ng libo-libong comments at shares. At matapos ang tatlong araw, umabot ito ng 2.1 million reach, 63,000 reacts at mahigit 12,000 shares.
“Noong nakita nila yung ang Libagon Challenge, naka-relate kaagad. Marami nga akong nakikitang tina-tag nila ang mga kaibigan nila parang, sa term namin sa Ilonggo, 'sasku', parang prank na o time to shine or...15 minutes of shame”, dagdag pa ni Zayco.
Mahigit 100 sintonado ang lumahok sa contest. Ang mga followers ni Zayco ang pumili ng Top 10 at ang nanalong kampeon ay ang 29-anyos na si Rona Gustilo, isang OFW na nagtatrabaho sa Hong Kong. Nakuha niya ang tropeo at P5,000 premyo.
“Happy ko kay syempre ako nagdaug. Happy ko kay syempre for the first time nga contest nga pakanta-kanta. Diri ko gali nabagay,” ani Gustilo.
(Happy ako kasi syempre nanalo. Happy ako kasi first time ko sa contest sa kantahan. Dito pa pala ako nababagay.)
Sabi ni Zayco, gusto lang niyang mapasaya ang mga Kabankalanon sa gitna ng maraming problema na kinakaharap ng bansa.
May plano ring gawing nationwide ang contest na tatawaging “SINGtonado, ang boses ng bawat Pilipino na wala sa tono.”
Panay ensayo naman ang mga kagaya nina Francis dela Cruz at Tep Villarosa para makasali sa susunod na taon.
“Gusto po namin kayong i-challenge sa palaro. Kita Kits,” ani Dela Cruz.