Mga patay sa Austria tumanggap ng 500-euro 'bonus'

Agence France-Presse

Posted at Sep 15 2022 10:34 AM

VIENNA - Sa bansang Austria, pati ang mga patay ay tumatanggap ng tulong sa estado sa gitna ng nagtataasang presyo ng gasolina sa Europa dahil sa paglusob ng Russia sa Ukraine. 

Mula umpisa ng Setyembre, namimigay ang Austria ng 500 euros (28,496 pesos) sa bawat isang residente na nasa hustong gulang na nasa loob ng bansa sa loob ng anim na buwan nitong 2022. 

Ayon kay Environment Ministry spokeswoman Martina Stemmer, pati ang mga taong namatay na pero nasa database pa rin ng mga nagbabayad ng buwis ay nakakatanggap ng ayuda at walang legal na paraan para bawiin ito.

Ilang pamilya sa Austria na namatayan ng kamag-anak ang nagulat ng malaman na hindi nila kailangang isauli ang pera. 

Ang "klimabonus" o climate bonus ay ginawa para ibigay sa mga tao ang ilang pondo na nalikom sa carbon tax sa mga polluters. Dinagdagan pa ito matapos tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa sigalot sa Ukraine. 

Nanawagan naman ang opposition party na gawan ng reporma ang pamimigay ng klimabonus sa mga tao lalo na't kasama pa ang mga namatay na. 

Isinalin sa ulat ng Agence France-Presse