Bibigyan ng isang kilong bigas ang mga makahuhuli ng isang platong lamok sa Barangay Sanja Mayor sa Tanza, Cavite.
Isa ito sa mga programa ng barangay para tugunan ang dumaraming kaso ng dengue sa bayan na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity dahil sa outbreak ng sakit.
"Siguro po ay natatandaan n'yo pa rin 'yung kabataan ninyo na ang ang ating mga magulang ay may ganyang style: isang plato na lalagyan ng oil, iwawasiwas sa may maraming lamok at talaga naman pong nakakahuli," sabi ni Peter Aricayos, kapitan ng Barangay Sanja Mayor, sa panayam ng ABS-CBN News.
Kailangan ay gumamit ng plastik na plato ang residente na papahiran ng mantika o langis at iwawasiwas o ihahampas sa makikitang lamok.
Wala namang itinakdang bilang kung ilang lamok ang kailangang dumikit sa plato.
"Kailangan po naman na kahit papaano ay makitang marami [ang dumikit na lamok], pero napakahirap po namang punuin iyon," ani Aricayos.
Ang makapagdadala ng isang platong lamok sa barangay hanggang Setyembre 30 ay makatatanggap ng isang kilong bigas.
Nasa 10 kabang bigas ang inilaan ng barangay para sa naturang programa.
Bukod dito, puspusan din ang malawakang paglilinis sa bayan para puksain ang mga posibleng pinamumugaran ng lamok.
Pinupulong ng lokal na pamahalaan ang mga residente para sa mga tamang pamamaraan upang maiwasan ang dengue.
Nagbabahagi rin sila ng mga anti-dengue supplies sa mga eskuwelahan at mga lugar na may mataas na kaso ng sakit.
Nasa P8 milyon ang inilabas na pondo mula sa quick response program ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Fund ng Tanza para tugunan ang dengue outbreak doon.
IBA PANG ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.