Ipinagbabawal sa Barangay Pooc, Talisay City, Cebu ang mababaho at maruruming e-bike drivers, ayon sa naaprubahang barangay ordinance doon.
Kabilang ang pagsiguro ng tamang hygiene sa ipatutupad ng barangay sa pag-regulate ng bumibiyaheng e-bike sa lugar.
"Kailangan malinis ang ating mga e-bike drivers, dahil isa to sa paraan na masisiguro nating malayo sila sa bisyo," ayon kay Pooc Barangay Captain Osmundo Manreal Jr.
Isinagawa ang public hearing noong Agosto para sa minimum na pamahase. At doon, sumang-ayon ang mga e-bike drivers sa pagpapatupad ng proper hygiene at kanilang pagpapa-drug test kada taon.
Ani Manreal, dahil walang national law sa e-bike, gagawa sila ng kasunduan sa mga rehistradong e-bike drivers upang maipatupad ang mga polisiya sa barangay.
Base sa napagkasunduan, ang mahuhuling mabaho at maruming e-bike drivers ay pagmumultahin ng P100 sa unang offense; P200 sa pangalawang offense; P1,000 sa third offense; at pag-impound sa e-bike sa mga habitual offenders.
Ikinatuwa naman ng ilang mga pasahero sa barangay ang bagong polisiya para sa mga e-bike drivers.
Sa ngayon, may 110 na e-bike drivers ang rehistrado sa barangay.
-- Ulat ni RC Dalaguit
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.