PatrolPH

Lalaking dinukot ang winning lottery ticket ng customer sa Italy, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2021 02:03 PM

ROME, Italy - Arestado ang isang dealer ng sigarilyo matapos nakawin ang winning scratch card ng kaniyang kustomer na nanalo sa lotto sa siyudad na ito. 

Ayon sa mga imbestigador, dinukot ng dealer ang tiket ng kustomer, agad na sumakay sa kaniyang scooter at agad na pumunta sa bayan ng Latina, sa gitna ng Naples at Rome. 

Nahuli ang lalaki sa Fiumicino airport, bago sumakay ng eroplano pa-Canary Islands. 

Aabot sa 500,000 euros ang premyong napanalunan ng kustomer sa lottery ticket, ayon sa mga awtoridad. 

Plano sanang i-deposit ng suspek ang tiket sa bangko at bumalik na lang kapag kalmado na ang lahat. 

Pinabulaanan naman niyang ninakaw niya ang tiket at plano niyang maghain ng reklamo kontra sa kustomer na 70 anyos. 

Nagbukas na ng imbestigasyon para sa kasong aggravated robbery ang mga awtoridad, nasuspinde rin ang lisensiya ng lalaki at nasabat na rin ang lottery ticket.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.