Ilang lollipop, natagpuang nakalagay sa loob ng condom wrapper sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 11:48 PM | Updated as of Sep 04 2019 12:07 AM

Ikinagulat ng isang ina ang mga lollipop na binili ng kanyang 3-anyos na anak sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte. 

Ang wrapper kasi na ginamit sa lollipop ay mula sa isang brand ng condom.

Kwento ng ina, sumuka ang anak nito nitong Sabado at ang itinuturo niyang dahilan ay ang kinain na lollipop.

Nabili daw ito ng anak sa sari-sari store malapit sa kanilang bahay sa Barangay Garreta.

“Hindi ako makatulog kasi dahil sa nangyari sa anak ko. Wala naman akong alam na ipinakain ko pero ‘yun lang ay may binili sila na mga candy at chocolate sa kapitbahay namin," sabi ng ina.

Natuklasan niya ito matapos ipabukas ng anak ang lollipop na nakalagay sa nasabing foil pack. Nagulat na lang siya sa nakalantad na condom wrapper.

Binalutan lamang ito ng manipis at makulay na plastik na may pangalan ng lollipop. 

Sumakit din daw ang tiyan ng dalawa niyang pamangkin na nakakain nito.

Agad niya itong ini-report at dinala ang halos 10 na nabiling lollipop
sa mga pulis.

Ang ilan ay foil pack pa ng isang glass cleaner product.

Ipinarating na ito ng mga pulis sa lokal na pamahalaan at municipal health office para imbestigahan kung saan nanggaling ang produkto lalo na’t hindi detalyado ang mga nakasulat sa pakete.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.