PatrolPH

Nawawalang estudyante sa Batangas, nasa ibang classroom lang pala

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2022 01:45 PM

Talisay Police 
Talisay Police 

Nabulabog ang mga residente ng Talisay, Batangas matapos maiulat na nawawala ang isang 5 anyos na batang lalaki matapos ihatid ng kaniyang ama sa Tranca Elementary School. 

Ayon kay Jessie Aala, alas-6 ng umaga nang ihatid sa gate ng school ang kaniyang anak na kinder pa lamang. 

Ngunit nang susunduin niya matapos ang klase bandang alas-10 ng umaga ay hindi na niya ito matagpuan. 

Nag-panic si Aala nang sabihin umano ng guro na wala ang kaniyang anak sa buong oras ng klase. 

Agad nag-post sa Facebook si Aala ng larawan ng kaniyang anak at nagtulong-tulong na rin ang mga pulis, mga opisyal ng barangay at mga residente sa paghahanap pero bigo matagpuan ang bata. 

Hinalughog na umano ang buong eskuwelahan maging ang lahat ng daan pauwi sa bahay pero wala pa rin ang bata. 

Pero makalipas ang higit 6 oras, isang bata ang napansin ng guro na naiwan sa kuwarto ng Grade 2 sa second floor. 

Nang usisain, natuklasan na ito ang batang nawawala. Ayon umano sa bata, nasa loob lamang siya ng classroom sa loob ng maghapon. 

Ang ipinagtataka ng ama ng bata ay paano ito nakapunta sa second floor gayong nasa unang floor ang classroom ng kinder. 

Laking pasasalamat na lamang ni Aala na walang nangyaring masama sa kaniyang anak. 

Paniwala ni Aala na baka na-engkanto ang kaniyang anak. 

“Nakaengkanto, Gawa inisa-isa ng teacher ang mga estudyante hindi ho nakilala ang aking anak. Pero salamat ho at andoon laang wala ho nangyari hindi maganda , ako’y tuwang tuwa at Nakita ko ang aking bunso," ani Aala. 

PInawi na rin ni Maj. Gen Elmer Aguila, Hepe ng Talisay police station ang pangamba ng mga residente na baka nadukot ang bata matapos ang mga kumalat sa social media. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.