Aswang? Misteryosong pagpatay ng mga alagang hayop palaisipan sa Visayas

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2022 07:45 PM | Updated as of Aug 13 2022 09:05 PM

Larawan mula kay Maicah Chong
Larawan mula kay Maicah Chong

Naging malaking palaisipan ngayon sa ilang bayan sa Visayas ang sunud-sunod na pagpatay sa mga alagang hayop. 

Ang ikinakabahala pa ay sadyang binuksan ang mga tiyan at kinuha o kinain ang lamang-loob ng mga hayop lalo na ang kanilang puso at atay. 

Kaya naman hindi naiwasan ang pagkalat ng kwento na may gumagalang aswang.

Alas tres ng hapon noong Hulyo 24, gayon na lang ang panlulumo ni Elizabeth Sabordo ng madatnan nilang patay na ang dalawa nilang buntis na kambing sa Barangay Daga, Cadiz City, Negros Occidental. 

Laking gulat pa nila nang makitang wasak ang tiyan ng mga alaga at wala nang lamang-loob. Wala ring bakas ng dugo ang katawan ng mga ito at maging sa paligid. Walang nakakita sa nangyari.

“Sa akin talaga, natatakot ako na hindi ko maintindihan. Nagtanong ako sa tatay ko. Sabi ko sa kanya sa tingin mo papa, aso ba ang gumawa nun or aso. Sabi nung papa ko hindi. Sabi ko sino, sabi niya alam mo na yun. 'Yung ganun. May araw kasi nangyari yun hindi gabi. Sabi ng papa ko walang araw, walang gabi kung gusto nilang mag-ganun,” paglalahad ni Sabordo na ilang araw ding hindi makatulog matapos ang pangyayari.

Ayon naman sa opisyales sa lugar, pinalaki lang ang isyu.

“Ang Purok Tinago malayo yun sa ibang mga purok. Yan ang problema. Lumaki lumaki ang isyu, nag-viral sa social media,” sabi ni Brgy. Kagawad Luel Olvido.

Lumipas ang apat na araw, 48 manok na pansabong naman ang natagpuang patay na. 

Ang mga manok ay maraming kagat sa iba’t-ibang parte ng katawan lalo na sa leeg. Kaya nagsimulang magronda at halos hindi na natutulog ang mga bantay sa cockfarm.

Sa parehong araw, Hulyo 28, sa Barangay Tagda, Hinigaran, nangilabot ang 74-anyos na si Cristeta Gallego nang matagpuan sa kanilang balkon na patay na ang kanilang tuta. Wala na itong ulo, laman at lamang loob. Tanging balat na lang ang natira.

Hindi naniniwala ang pamilya na kagagawan ito ng aso dahil walang lagusan ang bakod ng kanilang compound.

Si Nanay Cristeta, hindi na inaalis ang scapular sa kanyang leeg. Nagsusuot din ng rosarito ang kanyang mga apo tuwing gabi dahil sa napabalitang may aswang daw sa kanilang lugar.

"May nagsasabi na sigbin. Tapos may nagsasabi rin na dito sa amin meron daw aswang na yanggaw. Nagparamdam daw sa marami," kwento ni Nanay Cristeta.

Agosto 4, sa Bonbonon, Negros Oriental, isang kambing ang nakitang patay na. Wasak din ang tiyan at kinuha ang puso at atay nito.

Sa parehong araw, 5 baboy naman ang natagpuang patay sa Barangay Canlumampao, Toledo City, Cebu. Kinuha din ang kanilang puso at atay.

Paliwanag naman ng isang veterinarian, mga asong-gala lang ang gumagawa nito. Target nila ang lamang loob ng ibang mga hayup dahil malambot at madaling kainin.

“Gawa talaga yan ng mga aso. Yung aso sa baryo pagala-gala yan so gutom, wala nang makain as usual yung mga kambing na walang kalaban-laban, yun yung kinakain nila, mga lamang-loob. Malayo yun sa sinasabi nilang aswang o yung term dito sa Negros - yanggaw,” paliwanag ni Dr. Josue Rabang, City Veterinarian ng Cadiz.

Gayunpaman, nananatiling misteryo para sa ilan ang mga pangyayaring ito at mga katanungang hindi pa rin nasasagot. - Ulat ni Angelo Angolo