Viral ostrich inadobo, kinain ng caretakers: abogado

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2020 09:38 PM | Updated as of Aug 10 2020 11:44 PM

MAYNILA — Adobo ang kinahinatnan ng isa sa mga viral ostrich na namatay noong Sabado matapos umano itong iluto at kainin ng mga caretaker.

Inamin ni Charlie Pascual, abogado ni Jonathan Cruz na may-ari ng 2 ostrich na nakawala sa isang subdivision sa Quezon City, na ginawang adobo ang ostrich at nilantakan ng mga nag-aalaga dito.

Ayon sa kanya, ang mga caretaker ang nagluto at kumain sa ostrich nang hindi nalalaman ni Cruz.

"Nung mahuli po ito, sobrang pagod po, nai-stress... Bigla hong namatay yung ostrich eh. Pinaubaya nalang po ni Mr. Cruz sa mga taga-alaga kung paano to ililibing... Nabigla nga po si Mr. Cruz, eh nailuto po yung namatay na ostrich. Kinain po nila," ani Pascual. 

SAAN GALING ANG MGA OSTRICH

Paliwanag pa ni Pascual, binili ni Cruz ang mga ostrich bilang livestock animals mula sa isang farm sa Cagayan de Oro City para paramihin sana. 

May vouchers na rin umano ang mga ito pero ibabalik na sana ni Cruz ang mga ostrich dahil hindi makapagbigay ng kumpletong papeles ang pinagbilhan, pero hindi na niya nagawang ibyahe pabalik dahil sa lockdown.

Ang isa pang nakawalang ostrich ay kusa namang itinurnover ni Cruz sa Wildlife Rescue Center ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Biodiversity Management Bureau. 

Ayon naman kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, kahit livestock animals ang mga ostrich ay maaari pa ring may mga paglabag sa batas si Cruz kaya ito ay iniimbestigahan pa nila.

Handa naman makipagtulungan ang may-ari sa DENR. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.