Mga bato sa minahan sa Tsina kinulayan para magmukhang puno, damo

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 07:40 PM | Updated as of Aug 09 2019 08:42 PM

Pinintahan ang mga bato dahil naniniwala umano ang mga opisyal na berde ang magpapakita sa satellite photos ng mga awtoridad. Screenshot mula sa Wechat account ng iqilu.com

Para hindi mainspeksyunan ang kanilang pasilidad, pinintahan umano ng isang mining factory sa Tsina ang mga nahuhukay nilang bato, ayon sa ilang ulat nitong Miyerkoles.

Base sa aerial video ng Changsheng Rock Material Factory sa Xintai, Shandong makikitang berde ang mga paligid nito.

Iyon pala, pinintahan lamang ito para magmukhang mga puno at damo, base sa WeChat message ng iqilu.com, website ng Shandong Television.

Umamin ang isang accountant ng pabrika na ginawa umano ito para hindi mainspeksyunan ng mga awotridad.

Ayon pa sa isang truck driver sa minahan, pinintahan ang mga bato dahil naniniwala umano ang mga opisyal na berde ang magpapakita sa satellite photos ng mga awtoridad.

May nakapaskil din umanong abiso sa kompanya na “production discontinued” na ang minahan pero nagpapatuloy pa umano ang mga operasyon ng kanilang mga trak at mga makina, ayon sa report ng iqilu.com.

Iginiit naman daw ng pinuno ng pabrika na may environmental evaluation certificate ang kanilang pasilidad.

Pero tumanggi naman ang isang empleyado, at sinabing magsasara na ang kompanya sa lalong madaling panahon.

Hindi naman sumagot sa mga tanong ng mga reporter ang mga opisyal sa Xintai.

Ayon sa China Network Television (CNTV), hindi bago ang naturang mga insidente at nagbubulag-bulagan umano ang ilang opisyal sa mga parehong problema.

-- Isinalin mula sa ulat ng Global Times

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.