MANILA — Sa kulungan ang bagsak ng 25 taong gulang na jeepney barker matapos manaksak ng isang lalaki sa Barangay Sta Barbara, Novaliches Quezon City.
Ayon kay PCapt. Melchor Tomulto, shift patrol supervisor ng Novaliches police, dumulog sa kanilang tanggapan ang asawa ng biktima matapos itong saksakin ng suspek habang bumibili ng sabon sa isang tindahan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagkasagian ang suspek at biktima habang papunta sa tindahan ang biktima. Doon umano kumuha ng barbecue stick ang suspek at sinaksak sa leeg ang biktima.
“Bumibili siya ng sabon ngayon bigla lumitaw ang suspek galing sa likod at sinaksak siya sa leeg. Nag-conduct kami ng profiling sa suspek, nalaman namin meron pala siya dating kaso ng theft,” ani Tomulto.
Aminado ang suspek sa nagawang krimen. Nagdilim umano ang kanyang paningin nang magkasagian sila ng biktima.
“Nagkabanggaan kami kaya ko nagawa yun. Sana mapatawad niya ako pasensya na po,” sabi ng suspek.
Mahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.