Nanay na nanganak sa Albay, mga manok at aso ang ipinambayad sa doktora

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:23 PM | Updated as of Jul 28 2020 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LAGEZPI CITY, Albay — Hindi akalain ni Jhoan Belleza na ang mga alaga niyang manok at isang aso ang magsasalba sa kaniya sa gastusin sa panganganak.

Na-Cesarean si Belleza sa isang pribadong ospital pero ang binayad niyang professional fee sa kaniyang Ob-Gyne ay 10 manok at isang aso lang.

"Kasi yun lang ang meron kami. Wala naman kaming kambing, kalabaw so naisipan namin na 'yun ang i-offer sa kaniya tapos pumayag po siya," ani Belleza. 

Si Dr. Leizel Duncan ang nagpaanak kay Belleza. Dahil walang pambayad, nag-offer ang doktor na i-barter ang kanyang serbisyo sa alagang hayop ni Belleza.

"Naisip ko paano kaya makakabayad ang mga pasyante ko so biglang nag-pop out sa isip ko na why not i-barter ko 'yung service ko, 'yung professional fee ko sa kanila kung ano ang meron sila sa bakuran nila, sa backyard nila, kung ano ang mga alagang hayop na meron sila," ani Duncan.

Dito na rin naisip ni Duncan na mag-post sa isang barter community sa Facebook.

Sa Santo Domingo, Albay naman, naisip ng isang nanay na i-barter ang kaniyang mga ginagawang plastic pots.

Single mother si Marinella Robarios kaya naisip niyang i-barter ng diaper at gatas ang mga plastic pots niya na may mga halaman.

Kahit panghanda sa birthday, nagawan ng paraan dahil sa barter.

Si Judy Ann Ermino, nakipag-barter ng mga panghanda kapalit ng mga pananim niya. Pati tarpaulin na may birthday greetings sa ama, produkto ng barter.

Para sa mga marami sa kanila, paraan ang barter groups para matulungan lalo na ang mga kapos at dumadaan sa krisis pinansyal ngayong may pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.