PatrolPH

Tulong ng mga 'chismosa', hihingin ng Central Visayas police para sa contact tracing

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 03:37 PM | Updated as of Jul 22 2020 09:22 PM

Watch more on iWantTFC

CEBU CITY — Kung dati ay kinukutya at salot ang tingin ng mga tao sa mga chismoso at chismosa, ngayon ay maaari na silang magkaroon ng ambag sa laban ng bansa kontra sa pandemya. 

Nitong Miyerkoles, sinabi ni Police Brig. Gen. Ignatius Ferro, direktor ng Police Regional Office 7, hihingi sila ng tulong sa mga kilalang chismoso at chismosa sa lugar para sa contact tracing.

Ani Ferro, ang mga chismoso at chismosa ay puwedeng magbigay sa kanila ng mga impormasyon ukol sa mga nangyayari sa kanilang mga lugar.

"They could be useful. They will report to us any unusual event or situation in their vicinity," ani Ferro.

"They could be of great help because they could tell us what is happening and we could immediately respond to whatever information that they could give us with regard to this health issue," dagdag niya.

Nanawagan si Ferro sa mga barangay na makipagtulungan sa mga residente.

Sang-ayon naman ang mga residente ng Cebu sa plano ng PRO-7 para magamit ang impormasyon na makukuha galing sa mga chismoso at chismosa sa mga isasagawang contact tracing.

Mag-report lang umano ang mga chismoso at chismosa sa pulisya at sa kanilang mga barangay sa mga makukuhang mga balita sa kanilang lugar.

Sabi naman ng pulisya, pandagdag lang ito sa puwersa dahil may team din ang PRO-7 na gumagawa sa madugong contact tracing.

Ang Central Visayas ang rehiyon sa bansa na may ikalawang pinakamaraming bilang ng COVID-19 cases, kasunod ng National Capital Region.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.