Tip ni Duterte na 'gasoline disinfection' para sa face mask posibleng joke: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 07:49 PM

MAYNILA - Posibleng nagbibiro lang si Pangulong Rodrigo Duterte nang isulong nito ang paggamit ng gasolina bilang disinfectant para sa mga face mask, paglilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles. 

"Alam niyo naman 'pag nagsasalita si Presidente, baka 'yung mga jokes lang niya 'yun, especially 'yung sa gasoline," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.

Maaalalang sinabi ni Duterte sa isang televised public address na maaaring ma-disinfect ang mga face mask kapag binabad ito sa gasolina.

"Yung wala, ibabad mo sa gasolina o diesel... Totoo, if you want disinfection, maghanap ka ng gasolina. Babad mo 'yung kamay mo. Layo mo lang, huwag sa loob ng bahay 'nyo."

Kasabay nito, ipinaalala ni Vergeire na mayroon silang inilabas na panuntunan ukol sa angkop na face mask na dapat gamitin. 

"May department memo tayo on rational use of protective equipment. 'Pag ikaw ay may symptoms, gamitin mo surgical mask. 'Pag ikaw ay nagtatrabaho sa ospital, N95 mask. Kapag sa community, cloth mask," aniya.

Iginiit din ni Vergeire na single use o isang beses lang maaaring gamitin ang mga surgical mask at hindi ito pwedeng hugasan. 

"Hindi mo 'yan puwede hugasan. Kasi 'pag hinugasan mo 'yan, may mga components 'yang mask na certain filtering mechanism, kapag hinugasan mo o binasa mo 'yan, mawawala na ang effect no'n," paalala ng opisyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.