Biik na may isang ulo, dalawang katawan, ipinanganak sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 08:09 PM

Ikinagulat ni Rommel Regacho nang makitang may dalawang katawan pero iisang ulo ang biik na ipinanganak ng kaniyang alagang baboy. Photo courtesy of Rommel Regacho.

BAGO CITY, Negros Occidental - Laking gulat ng security guard na si Rommel Regacho nang makita ang pang-anim na biik na ipinanganak ng kanyang inaalagaang inahing baboy Huwbes ng gabi.

Hindi niya inaasahang may dalawang katawan ang biik, walong paa, apat na tainga, pero isa lang ang ulo.

Umasa siyang suwerte sana ang dala ng kambal na biik, pero namatay ito kaagad.

Paliwanag ni Dr. Renante Decena, provincial veterinarian ng Negros Occidental, maituturing na isang genetic anomaly ang nangyari sa biik.

Paminsan-minsan lang nangyayari ito lalo na sa artificial insemination.

"Yung mga nangyayari sa production sa nag-result sa hereditary or genetic anomaly or may kemikal na na-ingest 'yung mother or environmental, may nangyayari sa environment ng parents," ani Decena.

"Rarely happened ini siya compared sa mga commercial farms where in maraming nagre-result na ganyan na immediately pinapatay na lang yan, because it will suffer kay ang kaniyang condition will affect his whole body system. Sa backyard, it very rarely occurs. But it happened because of the management or nutrition 'yung additional sa hereditary problem," dagdag niya.