CEBU — Bumara nang 5 oras sa lalamunan ng mangingisda ang buhay na isdang aksidente niyang nalunok sa Toboso, Negros Occidental.
Nahihirapan nang huminga ang 30 anyos na mangingisda nang dumating sa Toboso Municipal Health Office umaga ng Hulyo 7.
Nangisda umano ang biktima sa sapa at nang makahuli ng isda na tinatawag na climbing perch, kinagat niya umano ito sa ulo upang mamatay. Ngunit dahil sa sobrang liksi ng isda na singlaki ng maliit na palad, aksidente itong nalunok ng biktima.
Ang climbing perch ay isang uri ng isda sa tubig tabang na agresibo, madulas kung hawakan, at maaaring mabuhay nang 5 araw kahit wala sa tubig.
Dali namang inilipat ang biktima sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City.
Sa video sa isinagawang esophagoscopy procedure, makikitang nakabara pa ang isda sa may daluyan ng hangin o windpipe ng mangingisda.
Naging matagumpay ang operasyon at ngayon ay nagpapagaling na ang biktima.
Payo ng awtoridad sa mga mangingisda na mag-ingat sa panghuhuli ng naturang uri ng isda.
—Ulat ni RC Dalaguit-de Vela
IBA PANG ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.