Natalong Cebu mayor nilimas ang iiwang opisina; tiles, dingding, pader binakbak

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 07:38 PM

Maski tiles ng banyo ay hindi pinatawad ni outgoing Cebu mayor Tomas Osmeña nang bakantehin niya ang kaniyang opisina sa ika-8 palapag ng kanilang munisipyo. 

Nitong Biyernes ay nagulantang si Cebu City Mayor-elect Edgar Labella at ilang tauhan ng city hall nang datnan ang opisina na inookupa noon ni Osmeña. 

Paano kasi, wala ni isang gamit o muwebles sa kuwarto. Pati kisame, pader, sahig ay binakbak.

Sa Lunes sana uupo si Labella bilang bagong halal na alkalde ng lungsod habang ginagawa pa ang kaniyang magiging tanggapan sa ground floor. 

Sabi ni incoming City Legal Officer Rey Gealon, iimbestigahan nila ang pangyayari. 

Sabi naman ng tauhan ni Osmeña na si City Administrator Bimbo Fernandez, ang papaalis na alkalde ang gumasta sa mga kagamitan sa opisina kaya siya ang may karapatan dito. 

Wala pang inilalabas na pahayag si Osmeña ukol sa insidente. 

Nakakuha si Labella ng 265,738 boto noong nakaraang halalan kontra sa 246,813 botong nakuha ni Osemeña.


—Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.