'Bawal sumayaw': Pakikipagsayawan sa hindi kakilala bawal sa Barcelona bars

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 10:15 AM

Kinondena ng mga may-ari ng mga disco sa Barcelona, Spain ang isang kautusan kung saan ipinagbabawal ang pakikipagsayawan, maliban na lang kung nasa hotel, restoran, at kakilala ang kasayaw.

“We want to dance (Gusto naming sumayaw),” ayon sa mga disco owner sa isang pahayag bilang pagresponde sa desisyon ng Catalan regional government na bawiin ang kanilang utos na nag-aalis sa dancing ban sa kanilang mga bar.

Una nang inalis ng Barcelona ang kanilang dance ban sa mga disco at nightclub noong nakaraang linggo habang niluluwagan ng bansang Spain ang kanilang coronavirus lockdown measures.

Pero nitong Lunes, kumambiyo ang mga opisyal sa kanilang decision at sinabing dapat lagyan ng mga silya at mesa ang kanilang mga dance floor.

Pinapayagan naman daw na magbukas ang mga dance floor sa mga hotel at mga restoran, kung magkakakilala umano ang mga sasayaw.

Pinagpiyestahan sa social media ang naging desisyon, habang nadismaya naman ang mga may-ari ng disco na umaasang magbubukas muli matapos ang lockdown.

"They stop us from dancing even though that is what we all like the most," ayon kay Ramon Mas, pinuno ng Barcelona discotheque federation sa isang regional parliament hearing.

"A night club without dancing is like an opera without music or a restaurant without food," paliwanag ni Mas, na iginiit na hindi sila papayag na magbukas hangga’t papayagan ang mga kustomer na sumayaw.

Para naman sa grupong Spain Night Life, papaboran lang umano ng desisyon ang mga iligal na club.

"Knowing the level of relations between one person and another impacts their privacy and an entrepreneur cannot be a part of that," sabi ni Joaquim Boadas sa panayam sa Agence France-Presse.

Hirit niya, pagsayawin na lang ng naka-face mask ang mga mananayaw.

Magbubunyi dapat ang mga Spanish national matapos alisin ang mahigpit na lockdown protocols noong nakaraang weekend.

Aabot sa 28,300 ang namatay sa bansang Spain dahil sa COVID-19 - ito ang isa sa pinakamataas na death toll sa Europa.

Luluwagan man ang lockdown, kinakailangan pa ring magpatupad ng 1.5 metrong physical distancing o magsuot ng face mask ang mga residente sa Spain.

— Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.