Tulog na pasahero, nagising mag-isa sa nakaparadang eroplano

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 12:24 PM

Tulad ng marami, isa si Tiffani Adams sa nakakatulog sa biyahe pagkasakay sa sasakyan.

Pero paggising ni Adams sa Air Canada plane na sinakyan n'ya mula Quebec papuntang Toronto, "pitch black" na ang paligid, ginaw na ginaw na siya, at mag-isa sa eroplano.

Tila nakalimutan ng ground staff na may isa pang pasahero sa eroplano dahil naigarahe na rin ito.

"I think I'm having a bad dream (because) like seriously how is this happening," ani Adams base sa kuwento ng kaibigan nito sa Facebook page ng Air Canada.

Agad tinawagan ni Adams ang kaibigan n'ya gamit ang kanyang cellphone pero naputol ang tawag nila dahil wala na siyang charge.

"I'm trying to focus on my breathing and control my panic attack while I attempt to charge my phone by plugging into every USB port I could find," kuwento ni Adams. Bigo siyang makapag-charge ng phone dahil wala nang kuryente sa eroplano.

Nang makahanap ng torch sa cockpit ng eroplano, binuksan n'ya ang isa sa mga pinto ng eroplano nang bumungad sa kanya ang 50-talampakang taas na kailangan n'yang talunin para makababa dito.

Imbes na tumalon, ginamit n'ya ang torch para makuha ang atensyon ng luggage cart driver, na nakita si Adams na naghihintay sa pintuan ng eroplano.

"He is in shock, asking how the heck they left me on the plane," ani Adams.

Humingi na ng patawad ang Air Canada sa insidente, pero inamin ni Adams na hindi pa siya nakakatulog nang maayos at nakakaranas ng night terrors simula nang mangyari ang insidente.

Patuloy namang inaaral ng Air Canada ang pangyayari.

© Agence France-Presse