2 puganteng nangakong babalik sa kulungan sa Italy, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 01:09 PM


ROME, Italy- Arestado ang dalawang pugante na umano'y nag-iwan ng abiso na nangako silang babalik sila sa kulungan matapos tumakas nitong Hunyo sa Tuscany, ayon sa Italian justice ministry.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Davad Zukanovic, 40, at Lil Ahmetovic, 46 - mag-pinsan na nakapiit sa Rebibbia prison. 

Noong Hunyo 2, umakyat umano ang mag-pinsan sa pader gamit ang water hose na naiwan sa courtyard. 

Pero bago umano silang tumakas, nag-iwan sila ng liham na nagsasabing may personal silang mga dahilan para tumakas, batay sa ulat ng Repubblica daily. 

Kinailangan umano kasi nilang protektahan ang kanilang mga anak sa umano'y peligro mula sa kinasasangkutan nilang mga aktibidad at sila lang umano ang maaaring gumawa nito ngayong nakapiit ang kanilang mga asawa. 

Nangako ang dalawa na babalik sila sa loob ng 15 araw, maayos lang ang gusot sa kanilang pamilya. 

Nakakulong dapat hanggang 2029 ang dalawang suspek, na sangkot umano sa fraud at pagtanggap ng mga nakaw na gamit. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.