PatrolPH

Higit 10k pumirma sa petisyong huwag pabalikin sa Earth si Amazon founder Bezos

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 01:48 AM | Updated as of Jun 17 2021 07:17 AM

Higit 10k pumirma sa petisyong huwag pabalikin sa Earth si Amazon founder Bezos 1
A video protest sign on a truck paid for by the Patriotic Millionaires drives past a mansion owned by Amazon founder Jeff Bezos as part of a federal tax filing day protest to demand he pay his fair share of taxes, in Washington, U.S. May 17, 2021. Jonathan Ernst, Reuters

Mahigit 10,000 indibidwal na ang pumirma sa isang petisyon para hindi na payagan makabalik sa daigdig ang bilyonaryong negosyanteng si Jeff Bezos, founder ng retail at tech conglomerate na Amazon.

Ito ay matapos ianunsiyo ang plano ni Bezos na pumunta sa kalawakan sa susunod na buwan sakay ng Blue Origin New Shepard.

Ayon sa petisyon, si Bezos daw ay si "Lex Luthor", kilalang kaaway ni Superman. Nagpapanggap lang din umano si Bezos na isang negosyante, dagdag ng petisyon, at layunin niya raw na sakupin ang buong mundo.

Higit 10k pumirma sa petisyong huwag pabalikin sa Earth si Amazon founder Bezos 2

Sinimulan ng isang Jose Ortiz ang petition sa Change.org. Ayon din sa petition, hindi dapat hayaang mapasailalim ng "kapangyarihan" ni Bezos ang mundo kaya nararapat lamang na huwag na itong pabalikin sa daigdig sa pag-alis nito.

Bagamat kilala si Bezos bilang isang tech innovator, may mga bumabatikos sa umano'y di makatarungang labor practice sa Amazon. 

Kamakailan, lumabas din sa isang investigative report na kabilang si Bezos umano sa grupo ng mga bilyonaryong nakakaiwas magbayad ng income tax sa Amerika.

Nakatakdang umalis si Bezos at tatlong iba pang "space tourists" para lumabas sa daigdig sakay ng New Shepard.

Mangyayari ang paglalakbay sa ika-20 ng Hulyo, kasabay ng ika-52 anibersayo ng Apollo 11 landing sa buwan.

Sa isang Instagram post, sinabi ni Bezos na bata pa lang siya ay pangarap na niyang makapaglakbay sa kalawakan. Isasama rin umano niya ang kaniyang kapatid sa paglalakbay na ito.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Jeff Bezos (@jeffbezos)

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.