Benta sa parking space sa Hong Kong umabot ng P62 milyon

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 12:21 PM | Updated as of Jun 17 2021 12:54 PM

HONG KONG - Nabenta ang isang car parking space sa halagang HK$10 million (P62.2 million) sa isang luxury Hong Kong apartment complex, ayon sa local media. 

Parte ang 12.5 square meter parking spot ng isang development sa The Peak, na umakit sa mga mayayamang residente ng siyudad mula pa noong colonial times. 

Matatanaw ang Victoria Harbor sa lugar kaya naman dahilan ito para sa mahal na presyo, partikular na pagdating sa real estate. 

Habang may mga mayayaman sa Hong Kong na walang problema sa paggastos ng milyon-milyon para sa kanilang bahay, hirap naman ang milyon-milyong residente na mabayaran ang renta sa mga “shoe-box” apartment na mas maliit pa sa mga parking space. 

Ayon sa ulat ng UBS, may isang skilled worker na kinailangan ng 22 taon ng kita para kayaning bayaran ang isang 60 square metrong apartment. 

Aabot naman sa $1.2 milyon ang average property price sa Hong Kong, ayon sa isa pang pag-aaral noong 2019. 

Nakarekober na umano ang luxury property market ng lugar matapos ang political unrest sa siyudad. Nalagpasan din umano nito ang mga epekto ng COVID-19 sa ekonomiya. 

Aabot sa USD$59 milyon ang naging bentahan sa 3,378 square foot na penthouse. 

— Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse