Mga taga-Benguet namangha sa cactus na sintaas ng 2 palapag na bahay

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 04:15 PM

Sintaas ng 2 palapag na bahay ang isang cactus sa bayan ng Kabayan, Benguet. Retrato mula kay Samson Osting

Namangha ang mga residente ng Kabayan, Benguet sa isang cactus doon na sintaas ng 2 palapag na bahay.

Nasa 45 talampakan ang cactus na nakatanim sa bahay ni Lorena Osting sa Barangay Kabayan Barrio.

Ayon kay Osting, galing ang cactus sa Nueva Vizcaya at itinanim niya sa kanilang bakuran noong 1989.

Hindi aniya niya inasahang tataas ang cactus.

Ilang bagyo na ang dumaan pero hindi pa rin ito nabuwal.

"Namamangha po kami. Minsan pa nga may mahiwagang kuwento ang cactus na 'yan kung bakit nabuhay nang matagal," sabi ng kapitbahay na si Rhine Camillo.

Ayon sa Benguet Cactus and Succulents Association, tinatawag na cereus peruvianus monstrose o apple cactus ang cactus ni Osting.

Ito ay isang edible fruit cactus o puwedeng kainin.

"Ang kaniyang natural habitat ay South America. Ang klima natin dito sa Benguet na mainit sa tanghali at malamig sa gabi ay naangkop sa pagtubo ng mga cactus," ani Dan Saclangan, miyembro ng Benguet Cactus and Succulents Association.

Sa tala ng Department of Agriculture-Benguet, nasa higit 3,000 magsasaka ang nag-aalaga ng cactus sa lalawigan.

-- Ulat ni Nathaline Daniel at Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.